Matagumpay na isinakatuparan ang Project LAWA at BINHI o Local Adaptation to Water Access and Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished nitong araw ng Martes, Hunyo 17, 2025, sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), katuwang ang Department of Agriculture (DA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), World Food Programme (WFP), Sangguniang Barangay ng Brgy. Dalas, at ang Lokal na Pamahalaang bayan ng Labo, Camarines Norte.
Layunin ng proyektong ito na palakasin ang kakayahan ng mga komunidad sa pagharap sa epekto ng pagbabago ng klima sa pamamagitan ng Cash-for-Training and Work (CFTW) scheme. Sa ilalim ng programang ito, binibigyan ng pagkakataon ang mga benepisyaryo na kumita habang natututo ng mga kasanayan sa pagtatanim, paghahalaman, at wastong paggamit ng likas na yaman.
Dagdag pa rito, sa bawat hakbang ng proyekto, binibigyang-diin ang kahalagahan ng tubig at pagkain bilang pundasyon ng katatagan ng komunidad, isang mahalagang hakbang tungo sa mas matatag at mas ligtas na kinabukasan para sa mga Pilipino.
Sa mensaheng ipinaabot ni Mayor Jojo Francisco, umaasa siya na ang tagumpay ng Project LAWA at BINHI ay magsisilbing inspirasyon sa lahat upang patuloy na magtulungan at magkaisa para sa ikabubuti ng ating bayan.
source: Mayor Jojo Francisco
📝Desiree Nagera